Pages

Saturday, June 1, 2013

Barko ng Mga Libro

Two weeks ago ay nakatanggap ako ng text mula sa kaibigan ko na nagsasabing may book fair daw sa Poro Point, La Union, mahilig kasi akong magbasa kaya hindi maikakailang mahilig talaga ako sa mga libro. Dahil nasa Ilocos Sur pa ako nang mga oras na iyon at bakasyon pa't walang pera ay hindi ko muna pinansin ang paunlak na ito hanggang sa isa na namang text ang natanggap ko hanggang sa nagsunod-sunod na ang mga nag-aaya sa akin na pumunta sa book fair na ito.

Ang barko kung saan makikita ang mga libro.

Logos Hope. Ang book fair na tinutukoy ng mga kaibigan ko ay hindi lang basta pala bentahan ng mga libro katulad ng inaakala ko. Kaya pala ito nasa port ng San Fernando ay dahil ang book fair na ito ay makikita sa loob ng isang barko, ang barko na Logos Hope.

          Ang barko ay dumating sa Poro Point noong ika-24 ng Mayo, ang hangad ng barkong ito ay upang magbigay edukasyon, tumulong at mag-iwan ng inspirasyon sa mga lugar na napupuntahan nila.

          Ang MV Logos Hope ay isang German Christian charitable organization GBA ships e.V (Gute Bücher für Alle, sa Ingles: Good Books for All). Ito ay may humigit 400 na volunteer crew na mula pa sa iba't-ibang bansa. Mayroong mula sa America, sa Hong Kong, Canada, Africa at sa kung saan pa. Ang mga crew at staff na ito ay sumasali sa organisasyon upang mamuhay sa barko ng halos dalawang taon bilang isang volunteer

          Bago ang Pilipinas, ilang bansana rin ang nauna na nilang napuntahan katulad ng Europe, Carribean, Mediterranean, Arabian Peninsula at sa iba't-ibang lugar sa Asya. Nagsimula ang paglalakbay na ito ng Logos Hope noon February 2009 at mahigit kumulang 40 milliong katao na ang nakakapasok sa barkong ito. Dito sa San Fernando, mula noong May hanggang ngayon (June 2) ay may halos 50 thousand na tao na hindi lang mula sa San Fernando kundi na rin sa mga karatig lugar nito ang dumayo at bumisita sa nasabing barko.


Mga libro worth 300 units (300 pesos).
Mga diksyunaryo sa halagang abot kaya.

Book Fair. Sa halagang 20 pesos (libre sa mga batang edad 12 pababa) ay makaka-pasok ka na sa barkong ito. Unang bubungad sa'yo ang isang maliit na theater, dito ay magkakaroon sila ng mabilis na introduction upang ipaalam ang history ng barko at kung ano ang kailangan pa nating malaman tungkol sa organisasyon. Sunod mong mapupuntahan ang book fair kung saan makakakita ka ng 5,000 na iba't-ibang klase ng libro. Karamihan sa mga librong ito ay puro educational, biblical at children's book. Mayroon ding mga CD's at DVD's. Marami ring souvenir items katulad ng 3D minaiture ng barko, mga ballpen, ballersat pins.

          Matapos kang bumili ng libro ay madadaanan mo rin ang isang visual presentation na tinawag na The Journey of Life, hango ito sa kwento ng The Prodigal Son. Panghuling destinasyon naman ang International Cafe. At bago ka lumabas, may makukuha ka ring free litreature mula sa barko.


Ang libreng libro na makukuha pagkalabas ng barko.

          Isang malaking karangalan sa akin ang makapasok sa isang barko, mas lalo na sa barko na punong-puno pa ng mga libro at sinamahan pa ng mga crew mula sa iba't-ibang lahi. Ang barkong Logos Hope ay sumisimbolo sa pagkakaisa, na kahit galing man sa iba't-ibang lahi ang mga manlalakbay na ito ay nagagawa parin nilang magkaisa upang tumulong at magbigay inspirasyon sa mga tao.


Logos Hope Extension. Dahil sa marami pang kailangang ayusin sa barko at magmumula pa sa Europe mga kakailanganing kagamitan, sa halip na June 2 ang pag-alis nito ay na-extend ang Logos Hope haanggang sa June 11 kaya maaari pang humabol ang ma taong gustong magpunta.

          Matapos ang pagbisita ng Logos Hope sa San Fernando, La Union, sunod naman nilang bibisitahin ang Puerto Princesa ito na ang huling destinasyon nila bago nila lisanin ang Pilipinas at magpunta sa Malaysia.

Friday, May 31, 2013

Movies With Same Poster Design: The Bourne Supremacy vs The Hunger Games

which poster is better?

The Bourne Supremacy (2004)
Starring: Matt Damon

VERSUS

The Hunger Games (2012)
Starring: Jennifer Lawrence


(photos from impawards.com)

Wednesday, May 29, 2013

Movies with Same Poster Design: Mean Girls vs So Undercover


which has the better poster?


Mean Girls (2004)
Starring: Lindsay Lohan

VERSUS

So Undercover (2012)
Starring: Miley Cyrus



(photos from impawards.com)

Tuesday, May 28, 2013

Candy Crush: Ang Kending Hindi Diabetic

Noon Farmville na sinundan ng Cityville, nagkaroon ng Plants Vs. Zombies, Angry Birds, Temple Run at ngayon naman… ang Candy Crush.


Ang Candy Crush na kinagigiliwan ng lahat.

Noong unang sumikat ang larong ito, wala akong paki-alam kasi parang wala naman itong pinagkaiba sa mga larong Bejeweled, Zuma at kung ano pang color-matching games.

Hindi naman ito tulad ng Farmville na kina-adikan ng lahat noon dati dahil mag-aalaga ka rito ng mga halaman at hayop, ganoon din sa Cityville kung saan sa laro’y nakakapagpatayo ka ng iba’t-ibang establishimento katulad ng building, hspial, bahay at ba pa.

Bago rin ang laro na hatid ng Plants Vs. Zombies dahil isa itong zombie-game na pwedeng pambata at pwede ring pang-matanda. Ang bida rito ay ang iba’t-ibang uri ng mga halaman na may kaniya-kaniyang abilidad na maaaring pumatay sa mga zombie. Sa Angry Birds naman, mga galit na ibon ang tutulungan mo upang makuha pabalik ang ninakaw ng mga baboy na itlog ng ibon ang kailangan mo lang gawin ay patumbahim ang mga bahay ng baboy gamit ang mga ibon mismo.

Taliwas sa mga larong nabanggit ko, hindi naman ako masyadong familiar sa larong Temple Run dahil hindi ko pa ito nasusubukan. Sa mga tablet at iPhones lang kasi ito pwedeng laruin at sa kasamaang palad ay wala pa ako ng mga gadget na tulad nito. Gayunpaman, masasabi kong kinagiliwan din ng napakaraming tao ang Temple Run.

NEW GAME. Sa paglipas ng panahon, natapos na tayo sa Farm, sa City, sa mga Zombies, Angry Birds at sa Templo ngayon naman, nakatutok ang lahat sa Candy… ang Candy Crush na kina-aadikan ngayon ng mga gadget users.

Sa pamilya namin, unang na-adik dito si Mama. Palagi siyang nakikipag-agawan sa paggamit ng laptop upang makapag-laro lang ng Candy Crush. Saka lamang siya tumitigil kapag wala na siyang life.

Isang laro na sa una'y akala mo madali, mahirap pala.

Hindi lang si Mama ang napansin kong nahuhumaling sa larong ito. Maging ang ilang Facebook friends ko ay sunod-sunod ang paghingi nila ng life sa notificatiosn ko. Hindi lang sa Facebook, maging sa Twitter ay usap-usapan rin ang larong ito.

Ano nga ba ang bago sa Candy Crush? Ang larong ito, katulad ng sinabi ko kanina ay wala ring ipinagbago sa mga larong Bejeweled at Zuma. Ang kailangan mo lang gawin ay pagtabihin ang mga magkaka-pares na kulay at uri ng candy. Siyempre every level ay pahirap ito ng pahirap.

Dahil sa curuiosity ay nilaro ko ito. Nung una ay itinuloy ko lang ang paglalaro bilang pampalipas oras lang hanggang sa nagtagal ay unti-unti na akong na-challege sa paglalaro. Hindi lang pala ang pagtatabi-tabi ng mga magkaka-pares na kendi ang kailangang gawin dahil bukod dito, limited rin ang moves na kailangan mong gawin at kapag naubusan ka na ng moves, malalagasan ang buhay mo. 

May limang buhay ang nakalaan sa bawat paglalaro at kapag naubos na ito, game over ka na. Kailangan mo ulit ang maghintay upang ma-recover mo ang life mo o hindi kaya’y humingi ng buhay sa mg kaibigan mo na naglalaro rin ng tulad nito. In short, hindi lang ang galing sa kulay ang kailangan mo kundi ang diskarte mo rin sa paggalaw ng mga kulay. Kailangan itong pag-isipan kundi, game over ang bagsak mo.

CELEBRITIES ADDICTED. Hindi lang pala mga ordinaryong tao ang nahihilig ng Candy Crush, marami ring sikat na personalidad ang nahuhumaling na rin dito katulad na lang ni Kris Aquino, ang basketbolistang si Mark Caguioa, ang komedyanteng si Vice Ganda, pati na rin sina John Lapus, Maja Salvador, Christian Bautista, Mikael Daez at marami pang iba.

Maja Salvaador, isa sa mga celebrities na addict ngayon sa Candy Crush.

Ang saya lang isipin na sa kabila ng problema natin ay may isang laro na maaaring pumawi sa mga kasalukuyang nararamdam natin. Kapag walang magawa, kapag hindi makatulog, kapag gustong kalimutan ang problema, kapag gustong makipag-kompitensya, kapag nalulungkot, kapag gustong sumunod sa uso… isa lang ang dapat laruin mo, ang natatanging Candy na hindi diabetic…Candy Crush ang tutulong sa’yo.


Katulad ng ibang laro na sumikat dati, mapagsasawaan din natin ang larong ito. Siyang patunay na wala ngang permanente sa mundo. Kaya hanggang uso pa, maki-uso ka, hanggang sikat, sumunod ka, dahil bukas makalawa isang laro na naman ang siguradong bubulaga sa ating harapan. Ano, magpapa-iwan ka pa ba?



(photos from: philstar.com, best-tablet-converter.com, overtheroll.wordpress.com)

Sunday, May 26, 2013

Maynila: Ang Pinto ng Impyerno?

Si Dan Brown, ang sumulat ng Da Vinci Code at Angels & Demons.

Ilang ulit na ba nating inihalintulad ang Pilipinas sa “impyerno”? Tuwing mainit ang panahon, tuwing may dinaranas tayong problema at hirap tayong lutasin ito, tuwing hirap sa buhay at walang masandalan, tuwing inaakala mong ang lahat ng tao na nasa paligid mo’y masama ang trato sa iyo?

Palagi nating naririnig sa TV o nababasa sa mga libro ang mga katagang “Ayoko nang bumlik sa impyernong lugar na ’yon” “Gusto ko nang umalis sa impyerong bahay na ‘to” at ang palaging sinasabi ng ilan, “Ang init naman dito sa Pilipinas, daig pa ang impyerno!”

Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng impyerno? Para sa akin, ang unang pumapaasok sa isip ko kapag binabanggit ang salitang impyerno ay: mainit, magulo, mahirap, lugar ng masasama, madilim… Ganito inilarawan ng sikat na manunulat na si Dan Brown ang Maynila sa pinaka-bago niyang nobela, ang Inferno. Issue ngayon para sa mga Pinoy ang librong ito, lalo na sa mga Manileno. Sabihan ba namang madumi, mabaho, puno ng prostitusyon at isa sa pinaka-mahirap na lugar ang Manila? Ayon kay Brown, "Manila is the gates of hell". Sa sobrang sensitive ng mga Pinoy, sigurado akong hinding-hindi nila ito palalampasin.


Ang ika-apat na Langdon book ni Dan Brown, ang Inferno.

Mahirap magsalita lalo na kapag hindi mo pa nababasa ang libro niya, katatapos ko lang kasing basahin ang The Lost Symbol ni Dan Brown kaya pahinga muna ako sa kaniya. Gayunpaman, nagbigay parin ng iba’t-ibang opinyon ang mga Pilipino ukol sa nasabing libro. Marami ang nagalit (of course), marami ang na-insulto at marami rin naman ang umunawa sa batikang manunulat.

 Kung iisipin natin, medyo tama naman si Dan Brown sa pagsasalarawan niya ng Maynila. Madumi, mabaho, mahirap, baha at magulo, oo’t nakaka-insulto pero totoo naman hindi ba? Kung napanood ninyo ang The Bourne Legacy kung saan dito sa Pilipinas kinunan ang ilang scenes sa movie, mapapa-iling ka na lang sa hitsura ng Manila sa pelikula. Traffic, nagkalat na basura sa daan, mga tambay, hindi ka maniniwalang ang 'dirty' side ng Manila na siyang kabisera ng ating bansa ay ipinakita worldwide.


Scene mula sa The Bourne Legacy movie.

Masasabi kong medyo tama si Dan Brown dahil totoo ang tinuran niya ngunit sa kabila no’n, kung may negatibo ay mayroon din namang side na positibo ang Manila. Marami ring maipagmamalaki ang Maynila, ang Intramuros, Binondo at iba't-ibang mga museum. Ilang beses pa lang akong naka-punta ng Maynila pero masasabing kong marami ring good side ang Manila ngunit sa kasamaang palad, hindi ito ang kailangan ni Dan Brown para sa fictional story niya kundi ang bad side ng Maynila upang umayon ito sa kwento ng libro niya.

Sa totoo lang hindi naman si Dan Brown ang pinaka-unang nagkomento ng masama hindi lang ukol Manila kundi pati na sa Pilipinas, marami na sila. Sinu-sino ba sila? Let’s take a recap:

  • Hinding-hindi natin makakalimutan si Jimmy Sieczka at ang video nitong '20 Reasons Why I Dislike the Philippines'
  • Si Alec Baldwin nang pabiro nitong sabihin na gusto pa niyang magkaroon ng mas maraming anak at balak niyang umorder ng Filipina mail-order bride.
  • Si Howard Stern nang sinabi nitong sa Pilipinas, inilalako ng mga tatay ang anak nilang babae para sa sex. 
  • Ang tumawag sa Manila bilang "weird city"  si Claire Danes. Ayon sa kaniya, smelly at maraming cockroaches at rats sa Manila.
  • at marami pa sila.

Reality hurts ika nga nila, nagsasabi lang sila ng totoo pero sila pa ang masama. Oo, nakakahiya, nakaka-insulto, nakakababa ito para sa ating mga Pilipino pero kung tutuusin may basehan sila kung bakit nila ito nasabi. Masyado lang kasi tayong sensitibo pagdating sa ibang tao na pumapansin sa atin pero hindi naman tayo ganoong ka-sensitibo pagdating sa pangangalaga ng bansa natin. Basura dito, basura doon, paubos na mga puno, nakakalbong bundok, maduduming sulok-sulok. 

Tama naman sila, tama lang na ipangalandakan nila sa atin kung ano ang nakikita nila sa Pilipinas. Tayong mga Pinoy imbis na gumawa ng paraan para sa ikabubuti ng ating bansa, ginagawa natin itong big deal na para bang tayo ang na-agrabyado. Sa halip na ayusin natin ang mali, bakit mas inuuna pa natin ang pagti-tweet upang depensahan ang Pilipinas? Kahit naman awayin natin sila o mag-sorry pa sila, wala paring magbabago, iyon na ang naging impresyon nila sa atin. Saka lang nating mapapatunayan na mali sila kapag iniba na natin ang hitsura ng Pilipinas.

Kung Palawan lang sana ang nakita ni Dan Brown marahil pwede niya itong ihalintulad sa isang paraiso, kung sa Cebu, sa Vigan, sa Baguio edi sana mas maganda ang description niya ng Pilipinas kaso Manila ang nakita niya kaya wala tayong magagawa. Hindi ko namang sinasabi  na madumi, magulo, mabaho talaga ang Maynila, hindi ko naman nilalahat ngunit aminin natin, may parte talaga sa Manila ang mabaho, madumi, magulo.

Lagi nating isipin, hindi porket malinis na ang mukha mo ay pababayaan mo na lang ang ibang parte ng katawan mo. Parang Pilipinas din ‘yan, kung gaano sana kaganda ang ilang lugar ng ating bansa, sana’y ganoon din ang gawin nila sa pangkalahatan lalo na sa parte kung saan mas nakikita tayo ng ibang tao mula sa ibang bansa.


          Patunayan natin sa buong mundo na ang Pilipinas ay hindi pinto ng impyerno kundi ang lagusan papuntang langit.




(photos from: rodolfogrimaldi.com, missosology.info, amadeusphotography.com)

Tula Para Kay Ina

Facebook post ko para sa mg ina na naging parte ng buhay ko.

Bisperas noon ng Mother's Day nang sabihan ako ng Mama ko na gumawa ng greeting card na maaaring i-post sa Facebook upang mai-tag ko ang ilang sa mga kamag-anak naming isa nang ina. Um-oo na lang ako para may dahil ako na gumamit ng internet buong magdamag.

          Nang gabing iyon, isang oras bago ang May 12, isa-isa nang nagsulputan ang mga Mother's Day greetings ng mga kaibigan ko sa Facebook para sa kanilang ina. May ilan na naglalagay pa ng pictures ng Mama nila at nagsasabi ng I Love You at Thank You. 


          Ang sa akin naman, pinopost nila ito sa FB para saan pa kung hindi naman ito nababasa ng mismong nanay nila? Ang ilang post kasi na nabasa ko ay tila nakiki-sabay lang sa agos. Ni hindi man lang naka-tag ang pangalan ng nanay nila na para bang automatic na lang na mababasa iyon ng nanay nila kapag pinost nila sa FB. Para bang gusto lang nilang ipakita sa ibang tao na "Mahal ko ang nanay ko kaya igi-greet ko siya ngayong araw na 'to."


          Gayunpaman, doon ko napagtanto na oras na rin siguro para sa akin na magpasalamat sa kanila. Hindi ko ito araw-araw na nagagawa, ang magpasalamat sa aking ina. Bukod kasi sa nahihiya ako ay parang 'corny' tignan. Pero nang gabing iyon, ginawa ko ang request ng Mama ko hindi para ma-greet ang mga kamag-anak ko kundi upang ma-greet at mapasalamatan ang Mama ko pati na rin ang Lola ko na umagapay sa akin sa buong buhay ko.

          Kaya naman kahit hatinggabi na ay pilit kong pinagana ang pagiging manunulat ko (seasonal kasi ako kung magsulat) at gumawa ako ng isang tula para sa aking ina, sa aking lola, sa mga tita ko at sa ilan pang kakilala. Narito ang tula na ini-alay ko sa kanila sa mismong araw ng mga nanay:


Sila ang nag-alaga, nagpalaki at nagturo sa atin kung ano ang tama
Sila ang gumabay, sumama at sumakay sa agos ng ating pagtanda
Sila ang nagtiyaga at nagtama sa ating mga pagkakamali
Sila ang umintindi at umagapay sa mga problemang sa ati'y dumdagli

Sila, sa kabila na pagiging pasaway natin ay hindi nila tayo iniwan
Oo pinapagalitan ngunit para na rin sa ating kapakanan
Nandiyan sila palagi, beinte-kuwatro oras na nakahanda
Walang kinikilingan, ikaw ay ma-protektahan lang
para sa serbisyo nilang ibibigay para sa atin lamang

Kaya naman sa araw na ito, sila'y ating bigyang pansin,
Ang mga BAYANI na siyang tunay na tagapagligtas natin
Hindi siya si Wonder Woman, hindi rin si Darna
Hindi si Catwoman, lalong hindi si Krystala
Sino sila? Sila ang ating INA,
ang ilaw na hindi napupundi at never na mapapalitan

Kaya Mommy, Mamang, Apong, Titas ken Aunties
AGYAMAN KAMI KANYAYO!


          Ngayon ko lang naalalang ibahagi ito sa inyo, kaya naman kung pwede pang humabol ay babati pa  ako sa inyo since Mother's Month pa naman. Isang huling pagbati sa inyong lahat, "Maligayang araw ng mga Ina!"

Monday, April 22, 2013

Ang Alkansya ni Lola

(Hindi ito ang tunay na litrato) photo from taong-grasya.blogspot.com


Noon pa man ay mayroon na talaga akong soft spot pagdating sa mga matatanda. Kapag sinabi kong matatanda, sila iyong mayroon nang ID ng senior citizen, iyong hindi na maaaring tumakbo pa ng mabilis o kaya hindi na kayang magpush-ups.

Isang araw naka-encounter ko ang isang lola. Naglalakad ako sa pathway ng school namin at busy sa pag-iisip ng maaaring kainin para sa dalawang oras na bakante ko nang makasalubong ko si Lola. May buhat-buhat siyang tatlong pulang maliliit na vase na halos hindi na niya alam kung papaano ito dadalhin. Ang isa ay naka-ipit sa pagitan ng kaniyang katawan at kaliwang braso samantalang ang dalawa namang natitirang vase ay hawak-hawak naman ng kaniyang magkabilang kamay. Isa-isa niyang nilalapitan ang mga estudyante na palabas ng school upang bumili ng kaniyang paninda ngunit ni isa ay walang pumapansin sa kaniya.

Nasa kaagitnaan ako sa pag-iisip kung kakain na lang ba ako ng brunch o mag-tutubig at tinapay na lang nang bigla niya akong lapitan at aluking bumili ng tinda niyang alkansya pala (na inakala kong vase.) "Nakkong gumatang ka ti alkansya?" (Hijo, bibili ka ba ng alkansya?) Siyempre "Hindi po," ang magalang kong sagot. Saan ko naman gagamitin ang alkansya kung maski ako nga ay wala namang perang ilalagay doon?

Nang tanggihan ko si Lola ay agad siyang bumaling sa ibang estudyante at umaasang isa sa kanila ang bibili ng paninda niya ngunit kagaya ng ginawa ko ay tumanggi rin sila. Mabuti nga at yung iba’y sumasagot pa para tumanggi ngunit karamihan sa mga feeling sosyalera na wala naman sa hitsura ay halos hindi siya pansinin na para bang isang pulubi na naghihingi ng limos ang turing nila kay Lola.

Hindi niya pinalampas ang lahat ng makasalubong niya, inisa-isa niya ang bawat estudyanteng palabas at nagbabakasakali na may bumili ngunit wala parin. Napahinto ako sa paglalakad at nagmasid kay Lola, na-curious ako kung mayroon bang mabait na nilalang ang bibili sa paninda niya ngunit sa limang minuto kong pagmamasaid ay sa huli, si manong guard lang ang nakatapat niya.

Dahil sa pinapa-alis na si Lola sa harapan ng eskwela ay naisipan niyang magpunta na lang sa katapat nito na isang donut store. Saglit siyang nagtagal doon at dahil natagalan siya ay inakala kong marahil ay may bumili na kahit isa man lang sa tatlong bitbit niyang alkansya pero nalungkot ako nang makitang hindi man lang nito mabuksan ang pinto ng store dahil tatlo parin ang dala niyang paninda, walang labis at walang kulang.

Sumunod siyang nagpunta sa isang computer shop at hindi na ako nag-expect pa. Siyempre, computer shop iyon na punong-puno ng mga kalalakihang tambay at pawang naglalaro ng DOTA na sinamahan pa ng iba pang estudyanteng busy sa mga requirements nila. Siguradong walang papansin sa kaniya doon.

Kaya naman hindi ko na hinintay pa ang kahihinatnan ni Lola, nagtuloy ako sa pupuntahan ko. Tumambay ako sa store malapit sa aming boarding house at bumili ng isang tinapay at softdrinks. Tinignan ko ang laman ng aking wallet, 220 pesos. Kahit gaano ko pa kagustong bumili ng alkansya ni Lola para makatulong sana ay hindi ko magawa dahil kailangan ko ring maawa sa Mama ko na halos kumapit na sa patalim makahanap lang ng mababaon namin.

Matatapos na ako sa kinakain ko nang muli kong makita si Lola, as expected ay wala paring bumili ng paninda niya. Nang makita niya ako ay agad niya akong nilapitan at muling inalok sa akin ang kaniyang paninda. Masakit man sa kalooban ay muli ko siyang tinanggihan. Pumasok si Lola sa loob ng store at inalok din si Manang na nagtitinda. Akala ko ay tatanggi rin si Manang ngunit bigla niyang tinanong kung magkano ang alkansya ni Lola. Napangiti ako dahil sa wakas ay may tao na ring nagka-interes sa tinda ni Lola.

Sa una ay nakipag-tawaran pa si Manang dahil may kamahalan din ang alkansya pero sa huli, kung ano ang dating presyo ng alkansya ay iyon din ang ibinayad niya. At least I was relieved nang makitang dalawa na lang ang buhat-buhat ni Lola na alkansya. Hindi man ako nakatulong sa kaniya, at least natulungan ko ang taong bumili ng alkansya ni Lola sa pamamagitan ng pagbili ko ng paninda ni Manang. Medyo mababaw man pero may point naman diba? Kaya masaya ako na in a certain way ay may mga tao paring may magandang kalooban na siyang nakakatulong sa mga nangangailangan.

Sa edad ni Lola ay hindi na dapat siya nagtatrabaho, ang dapat sa kaniya ay magpahinga na at ine-enjoy ang natitirang buhay niya na bigay ng Diyos ngunit dahil sa kahirapan ay kinakailangan pa niyang magkayod-kalabaw upang may makain lang.

Madali lang magreklamo kung hindi mo gusto ang pagkain, madali lang ang magreklamo kung sawa ka na sa trabaho mo, madali lang ang magreklamo kapag kulang ang allowance mo, madali lang ang magreklamo kapag hindi ka pinayagang maglakwatsa pero dapat nating isipin na ang bawat reklamo nating ito, sa ibang tao ay ito na ang mga matagal na nilang hinahangad para sa kanilang buhay. Pagkain, maayos na trabaho, pera at ang oras para sa kanilang sarili ngunit dahil hirap silang makuha ang mga ito ay wala silang karapatang magreklamo.

Kaya naman sa mga biniyayaan ng kaunting karangyaan, imbis na magreklamo tayo dahil kulang ay dapat magpasalamat pa tayo dahil mayroon tayo nito dahil hindi lahat ng tao ay tinatamasa ang kung anong meron man tayo ngayon.

Sunday, April 21, 2013

Kabataang Bayani

“Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.”

Ang mga ngiti ng kabataan mula sa isang hindi malilimutang karanasan.



Palagi nating naririnig ang mga katagang ito na siyang binitawan ni Dr. Jose Rizal, naniniwala siya na ang mga kabataan ang magiging instrumento para sa pag-unlad ng ating bayan. Sila ang pag-asa, ang magwawaksi sa problema ng Pilipinas.


Pero marami sa atin ang nagtataas ng kilay kapag naririnig nila ang mga katagang ito. May nagawa na ba talaga ang mga kabataan para sa pag-unlad ng ating bayan? Sila ba talaga ang pag-asa na matagal na nating inaasahan? May naniniwala pa ba sa sinabi ni Rizal gayong ang mga kriminal ngayon ay pabata na ng pabata. Mga drug addict at drug pushers, mga magnanakaw, killer, rapist, sila ba ang magliligtas sa naghihingalong Pilipinas?

Ang sagot: HINDI, dahil hindi lang sila ang kabataan dito sa Pilipinas. Marami sa mga kabataan ngayon, hindi man napapansin ng karamihan ay handang tumulong para sa pagbabago ng ating inang bayan.

Halos isang buwan na ang nakakalipas simula nang mapasali ako sa isang gawain. Isang hamon para sa katulad kong teenager. Dahil bakasyon at walang magawa at dahil na rin sa tulong ng isa kong kaibigan ay napasali ako sa isang challenge, ang Bayani Challenge 2013.

Noong una ay wala akong balak seryosohin ang gawaing ito, napasali lang talaga ako dahil sa pagkaburyo ko sa bahay ngunit nang makita ko ang tunay na layunin ng activity na ito ay namangha ako. Hindi ko inakala na ang mga kabataan na katulad ko ay nagboboluntaryo para maglinis, magpintura, magtanim, magpatayo ng footbridge at stage, magpasaya ng mga bata at ialay ang kanilang oras sa pagtulong.

Sa mga oras na iyon, dahil bakasyon, ang dapat na ginagawa ng mga kabataan ay ang magbabad sa kompyuter, mamasyal, maglakwatsa kasama ang mga kaibigan, manood ng TV, magbasa ng libro, matulog sa isang malamig na kuwarto at kung ano pang tipikal na dapat ginagawa ng isang teenager kapag walang pasok.

Ang diwa ng bayanihan, tulong-tulong sa pagpasa ng mga bricks para sa GK Site.

Ngunit taliwas ang natunghayan ko sa Bayani Challenge dahil ang mga kabataan, sa gitna ng tirik na tirik na araw ay tulong-tulong sila sa pagpapatayo ng footbridge, tulong-tulong sa pag-ayos ng paaralan, tulong-tulong sa paglilinis sa tabing-dagat, tulong-tulong sa pagpipintura, pagla-landscape, pagtatanim, pag-aayos ng daluyan ng ilog at marami pa. Ang mas nakakamangha pa sa natunghyan kong ito ay matapos ang isang nakakapagod na araw ay wala kang makikitang ni katiting na pagsisisi sa kanilang mga mukha. Pagkatapos ng araw, isang matamis na ngiti ang makukuha mo mula sa kanila.

Pag-aayos sa pathway, reding-ready na sila!

Sa ikalawang araw ng activity ay opisyal na akong sumali sa Bayani Challenge. Napasama ako sa grupo na na-assign na magpunta sa isang paaralan. Doon ay nag-landscaping kami, nag-general cleaning at nagpintura ng dingding ng paaralan. Nakakatuwang isipin na sa gitna ng nararamdamang pagod ng aking mga kasamahan ay nagagawa pa nilang pawiin ang kanilang pagod sa pamamagitan ng paglalaro ng basketball, pakikipag-kulitan sa mga kasama at pagsayaw ng unity dance.

Wall painting sa isang eskwelahan.

Sa kanila ko nakita ang pagkukusa, na kahit may kaunting hindi pagkakaunawaan man ang ilan sa kanila ay nagawa at natapos parin nila ng tama ang kanilang gawain dahil para sa kanila, hindi dapat pinapairal ang pride. Sa pagtulong, hindi pride ang kailangan kundi teamwork. Sa kanila ko napatunayan na kapag tulong-tulong at sama-sama ay madaling malulutas ang problema.

Sa Bayani Challenge, natutunan ko ang makisama, maki-isa, makipagkapwa-tao, tumulong ng kusa, manalig sa Panginoon at higit sa lahat, ang magsaya. Hindi lang naman sa computer, TV, libro, cellphone at laptop makikita ang kasiyahan ng isang tao. Mahahanap din ito sa pagtulong, pagtulong na taos sa puso kasama ang iyong mga bagong kakilala, bagong kaibigan, bagong kasangga, bagong kakampi.

Landscaping naman ang ginawa ng ilan.

Hindi mo naman talaga kailangang magkaroon ng super powers, maging matalino, mayaman, sikat o maging pangulo para tumulong sa bayan. Basta ang mahalaga ay ang pagkukusa, ordinaryo ka mang tao, bata o matanda ay may magagawa ka upang baguhin ang ating bayan.

Ang Bayani Challenge ang naging inspirasyon ko upang patunayan sa mga tao na tama nga ang tinuran ni Rizal, na ang mga kabataan ang natatanging pag-asa ng bayan. Kami, sila, tayo mismo ang mga kabataan na tinutukoy ni Rizal, tayo ang tunay na pag-asa ng ating bayan.

Ikaw, may magagawa ka rin. Hindi hadlang ang kahirapan, hindi hadlang ang edad, hindi hadlang ang estado o katayuan natin sa lipunang ito para tumulong dahil lahat tayo ay may magagawa. Ang kailangan lang natin ay pagkukusa. Kung hindi tayo, sino pa? Kung hindi ngayon, kailan pa tayo magsisimulang ibangon ang lugmok nating bayan? Kapag tayo ay magtutulong-tulong, hindi imposibleng ang kahirapan ay maalis na sa listahan ng mga problemang kasalukuyang kinakaharap ng ating inang bayan.

Matapos ang limang araw na pagkakawang-gawa, isang masayang paliligo mula sa isang fire truck ang naging pagtatapos ng aming Bayani Challenge.



(Some photos were taken from Zyrah)