“Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.” |
Ang mga ngiti ng kabataan mula sa isang hindi malilimutang karanasan. |
Palagi nating naririnig ang mga
katagang ito na siyang binitawan ni Dr. Jose Rizal, naniniwala siya na ang mga
kabataan ang magiging instrumento para sa pag-unlad ng ating bayan. Sila ang
pag-asa, ang magwawaksi sa problema ng Pilipinas.
Pero marami sa atin ang
nagtataas ng kilay kapag naririnig nila ang mga katagang ito. May nagawa na ba
talaga ang mga kabataan para sa pag-unlad ng ating bayan? Sila ba talaga ang
pag-asa na matagal na nating inaasahan? May naniniwala pa ba sa sinabi ni Rizal
gayong ang mga kriminal ngayon ay pabata na ng pabata. Mga drug addict at drug
pushers, mga magnanakaw, killer, rapist, sila ba ang magliligtas sa
naghihingalong Pilipinas?
Ang sagot: HINDI, dahil hindi
lang sila ang kabataan dito sa Pilipinas. Marami sa mga kabataan ngayon, hindi
man napapansin ng karamihan ay handang tumulong para sa pagbabago ng ating
inang bayan.
Halos isang buwan na ang
nakakalipas simula nang mapasali ako sa isang gawain. Isang hamon para sa katulad
kong teenager. Dahil bakasyon at walang magawa at dahil na rin sa tulong ng isa
kong kaibigan ay napasali ako sa isang challenge, ang Bayani Challenge 2013.
Noong una ay wala akong balak
seryosohin ang gawaing ito, napasali lang talaga ako dahil sa pagkaburyo ko sa
bahay ngunit nang makita ko ang tunay na layunin ng activity na ito ay namangha
ako. Hindi ko inakala na ang mga kabataan na katulad ko ay nagboboluntaryo para
maglinis, magpintura, magtanim, magpatayo ng footbridge at stage, magpasaya ng
mga bata at ialay ang kanilang oras sa pagtulong.
Sa mga oras na iyon, dahil
bakasyon, ang dapat na ginagawa ng mga kabataan ay ang magbabad sa kompyuter,
mamasyal, maglakwatsa kasama ang mga kaibigan, manood ng TV, magbasa ng libro,
matulog sa isang malamig na kuwarto at kung ano pang tipikal na dapat ginagawa
ng isang teenager kapag walang pasok.
Ang diwa ng bayanihan, tulong-tulong sa pagpasa ng mga bricks para sa GK Site. |
Ngunit taliwas ang natunghayan
ko sa Bayani Challenge dahil ang mga kabataan, sa gitna ng tirik na tirik na araw ay
tulong-tulong sila sa pagpapatayo ng footbridge, tulong-tulong sa pag-ayos ng
paaralan, tulong-tulong sa paglilinis sa tabing-dagat, tulong-tulong sa
pagpipintura, pagla-landscape, pagtatanim, pag-aayos ng daluyan ng ilog at
marami pa. Ang mas nakakamangha pa sa natunghyan kong ito ay matapos ang isang
nakakapagod na araw ay wala kang makikitang ni katiting na pagsisisi sa
kanilang mga mukha. Pagkatapos ng araw, isang matamis na ngiti ang makukuha mo
mula sa kanila.
Pag-aayos sa pathway, reding-ready na sila! |
Sa ikalawang araw ng activity
ay opisyal na akong sumali sa Bayani Challenge. Napasama ako sa grupo na
na-assign na magpunta sa isang paaralan. Doon ay nag-landscaping kami,
nag-general cleaning at nagpintura ng dingding ng paaralan. Nakakatuwang isipin
na sa gitna ng nararamdamang pagod ng aking mga kasamahan ay nagagawa pa nilang
pawiin ang kanilang pagod sa pamamagitan ng paglalaro ng basketball,
pakikipag-kulitan sa mga kasama at pagsayaw ng unity dance.
Wall painting sa isang eskwelahan. |
Sa kanila ko nakita ang
pagkukusa, na kahit may kaunting hindi pagkakaunawaan man ang ilan sa kanila ay
nagawa at natapos parin nila ng tama ang kanilang gawain dahil para sa kanila,
hindi dapat pinapairal ang pride. Sa pagtulong, hindi pride ang kailangan kundi
teamwork. Sa kanila ko napatunayan na kapag tulong-tulong at sama-sama ay
madaling malulutas ang problema.
Sa Bayani Challenge, natutunan
ko ang makisama, maki-isa, makipagkapwa-tao, tumulong ng kusa, manalig sa
Panginoon at higit sa lahat, ang magsaya. Hindi lang naman sa computer, TV,
libro, cellphone at laptop makikita ang kasiyahan ng isang tao. Mahahanap din
ito sa pagtulong, pagtulong na taos sa puso kasama ang iyong mga bagong
kakilala, bagong kaibigan, bagong kasangga, bagong kakampi.
Landscaping naman ang ginawa ng ilan. |
Hindi mo naman talaga
kailangang magkaroon ng super powers, maging matalino, mayaman, sikat o maging
pangulo para tumulong sa bayan. Basta ang mahalaga ay ang pagkukusa, ordinaryo
ka mang tao, bata o matanda ay may magagawa ka upang baguhin ang ating bayan.
Ang Bayani Challenge ang naging
inspirasyon ko upang patunayan sa mga tao na tama nga ang tinuran ni Rizal, na
ang mga kabataan ang natatanging pag-asa ng bayan. Kami, sila, tayo mismo ang
mga kabataan na tinutukoy ni Rizal, tayo ang tunay na pag-asa ng ating bayan.
Ikaw, may magagawa ka rin.
Hindi hadlang ang kahirapan, hindi hadlang ang edad, hindi hadlang ang estado o
katayuan natin sa lipunang ito para tumulong dahil lahat tayo ay may magagawa.
Ang kailangan lang natin ay pagkukusa. Kung hindi tayo, sino pa? Kung hindi
ngayon, kailan pa tayo magsisimulang ibangon ang lugmok nating bayan? Kapag
tayo ay magtutulong-tulong, hindi imposibleng ang kahirapan ay maalis na sa
listahan ng mga problemang kasalukuyang kinakaharap ng ating inang bayan.
Matapos ang limang araw na pagkakawang-gawa, isang masayang paliligo mula sa isang fire truck ang naging pagtatapos ng aming Bayani Challenge. |
(Some photos were taken from Zyrah)
No comments:
Post a Comment