Pages

Sunday, May 26, 2013

Maynila: Ang Pinto ng Impyerno?

Si Dan Brown, ang sumulat ng Da Vinci Code at Angels & Demons.

Ilang ulit na ba nating inihalintulad ang Pilipinas sa “impyerno”? Tuwing mainit ang panahon, tuwing may dinaranas tayong problema at hirap tayong lutasin ito, tuwing hirap sa buhay at walang masandalan, tuwing inaakala mong ang lahat ng tao na nasa paligid mo’y masama ang trato sa iyo?

Palagi nating naririnig sa TV o nababasa sa mga libro ang mga katagang “Ayoko nang bumlik sa impyernong lugar na ’yon” “Gusto ko nang umalis sa impyerong bahay na ‘to” at ang palaging sinasabi ng ilan, “Ang init naman dito sa Pilipinas, daig pa ang impyerno!”

Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng impyerno? Para sa akin, ang unang pumapaasok sa isip ko kapag binabanggit ang salitang impyerno ay: mainit, magulo, mahirap, lugar ng masasama, madilim… Ganito inilarawan ng sikat na manunulat na si Dan Brown ang Maynila sa pinaka-bago niyang nobela, ang Inferno. Issue ngayon para sa mga Pinoy ang librong ito, lalo na sa mga Manileno. Sabihan ba namang madumi, mabaho, puno ng prostitusyon at isa sa pinaka-mahirap na lugar ang Manila? Ayon kay Brown, "Manila is the gates of hell". Sa sobrang sensitive ng mga Pinoy, sigurado akong hinding-hindi nila ito palalampasin.


Ang ika-apat na Langdon book ni Dan Brown, ang Inferno.

Mahirap magsalita lalo na kapag hindi mo pa nababasa ang libro niya, katatapos ko lang kasing basahin ang The Lost Symbol ni Dan Brown kaya pahinga muna ako sa kaniya. Gayunpaman, nagbigay parin ng iba’t-ibang opinyon ang mga Pilipino ukol sa nasabing libro. Marami ang nagalit (of course), marami ang na-insulto at marami rin naman ang umunawa sa batikang manunulat.

 Kung iisipin natin, medyo tama naman si Dan Brown sa pagsasalarawan niya ng Maynila. Madumi, mabaho, mahirap, baha at magulo, oo’t nakaka-insulto pero totoo naman hindi ba? Kung napanood ninyo ang The Bourne Legacy kung saan dito sa Pilipinas kinunan ang ilang scenes sa movie, mapapa-iling ka na lang sa hitsura ng Manila sa pelikula. Traffic, nagkalat na basura sa daan, mga tambay, hindi ka maniniwalang ang 'dirty' side ng Manila na siyang kabisera ng ating bansa ay ipinakita worldwide.


Scene mula sa The Bourne Legacy movie.

Masasabi kong medyo tama si Dan Brown dahil totoo ang tinuran niya ngunit sa kabila no’n, kung may negatibo ay mayroon din namang side na positibo ang Manila. Marami ring maipagmamalaki ang Maynila, ang Intramuros, Binondo at iba't-ibang mga museum. Ilang beses pa lang akong naka-punta ng Maynila pero masasabing kong marami ring good side ang Manila ngunit sa kasamaang palad, hindi ito ang kailangan ni Dan Brown para sa fictional story niya kundi ang bad side ng Maynila upang umayon ito sa kwento ng libro niya.

Sa totoo lang hindi naman si Dan Brown ang pinaka-unang nagkomento ng masama hindi lang ukol Manila kundi pati na sa Pilipinas, marami na sila. Sinu-sino ba sila? Let’s take a recap:

  • Hinding-hindi natin makakalimutan si Jimmy Sieczka at ang video nitong '20 Reasons Why I Dislike the Philippines'
  • Si Alec Baldwin nang pabiro nitong sabihin na gusto pa niyang magkaroon ng mas maraming anak at balak niyang umorder ng Filipina mail-order bride.
  • Si Howard Stern nang sinabi nitong sa Pilipinas, inilalako ng mga tatay ang anak nilang babae para sa sex. 
  • Ang tumawag sa Manila bilang "weird city"  si Claire Danes. Ayon sa kaniya, smelly at maraming cockroaches at rats sa Manila.
  • at marami pa sila.

Reality hurts ika nga nila, nagsasabi lang sila ng totoo pero sila pa ang masama. Oo, nakakahiya, nakaka-insulto, nakakababa ito para sa ating mga Pilipino pero kung tutuusin may basehan sila kung bakit nila ito nasabi. Masyado lang kasi tayong sensitibo pagdating sa ibang tao na pumapansin sa atin pero hindi naman tayo ganoong ka-sensitibo pagdating sa pangangalaga ng bansa natin. Basura dito, basura doon, paubos na mga puno, nakakalbong bundok, maduduming sulok-sulok. 

Tama naman sila, tama lang na ipangalandakan nila sa atin kung ano ang nakikita nila sa Pilipinas. Tayong mga Pinoy imbis na gumawa ng paraan para sa ikabubuti ng ating bansa, ginagawa natin itong big deal na para bang tayo ang na-agrabyado. Sa halip na ayusin natin ang mali, bakit mas inuuna pa natin ang pagti-tweet upang depensahan ang Pilipinas? Kahit naman awayin natin sila o mag-sorry pa sila, wala paring magbabago, iyon na ang naging impresyon nila sa atin. Saka lang nating mapapatunayan na mali sila kapag iniba na natin ang hitsura ng Pilipinas.

Kung Palawan lang sana ang nakita ni Dan Brown marahil pwede niya itong ihalintulad sa isang paraiso, kung sa Cebu, sa Vigan, sa Baguio edi sana mas maganda ang description niya ng Pilipinas kaso Manila ang nakita niya kaya wala tayong magagawa. Hindi ko namang sinasabi  na madumi, magulo, mabaho talaga ang Maynila, hindi ko naman nilalahat ngunit aminin natin, may parte talaga sa Manila ang mabaho, madumi, magulo.

Lagi nating isipin, hindi porket malinis na ang mukha mo ay pababayaan mo na lang ang ibang parte ng katawan mo. Parang Pilipinas din ‘yan, kung gaano sana kaganda ang ilang lugar ng ating bansa, sana’y ganoon din ang gawin nila sa pangkalahatan lalo na sa parte kung saan mas nakikita tayo ng ibang tao mula sa ibang bansa.


          Patunayan natin sa buong mundo na ang Pilipinas ay hindi pinto ng impyerno kundi ang lagusan papuntang langit.




(photos from: rodolfogrimaldi.com, missosology.info, amadeusphotography.com)

No comments:

Post a Comment