Pages

Monday, April 22, 2013

Ang Alkansya ni Lola

(Hindi ito ang tunay na litrato) photo from taong-grasya.blogspot.com


Noon pa man ay mayroon na talaga akong soft spot pagdating sa mga matatanda. Kapag sinabi kong matatanda, sila iyong mayroon nang ID ng senior citizen, iyong hindi na maaaring tumakbo pa ng mabilis o kaya hindi na kayang magpush-ups.

Isang araw naka-encounter ko ang isang lola. Naglalakad ako sa pathway ng school namin at busy sa pag-iisip ng maaaring kainin para sa dalawang oras na bakante ko nang makasalubong ko si Lola. May buhat-buhat siyang tatlong pulang maliliit na vase na halos hindi na niya alam kung papaano ito dadalhin. Ang isa ay naka-ipit sa pagitan ng kaniyang katawan at kaliwang braso samantalang ang dalawa namang natitirang vase ay hawak-hawak naman ng kaniyang magkabilang kamay. Isa-isa niyang nilalapitan ang mga estudyante na palabas ng school upang bumili ng kaniyang paninda ngunit ni isa ay walang pumapansin sa kaniya.

Nasa kaagitnaan ako sa pag-iisip kung kakain na lang ba ako ng brunch o mag-tutubig at tinapay na lang nang bigla niya akong lapitan at aluking bumili ng tinda niyang alkansya pala (na inakala kong vase.) "Nakkong gumatang ka ti alkansya?" (Hijo, bibili ka ba ng alkansya?) Siyempre "Hindi po," ang magalang kong sagot. Saan ko naman gagamitin ang alkansya kung maski ako nga ay wala namang perang ilalagay doon?

Nang tanggihan ko si Lola ay agad siyang bumaling sa ibang estudyante at umaasang isa sa kanila ang bibili ng paninda niya ngunit kagaya ng ginawa ko ay tumanggi rin sila. Mabuti nga at yung iba’y sumasagot pa para tumanggi ngunit karamihan sa mga feeling sosyalera na wala naman sa hitsura ay halos hindi siya pansinin na para bang isang pulubi na naghihingi ng limos ang turing nila kay Lola.

Hindi niya pinalampas ang lahat ng makasalubong niya, inisa-isa niya ang bawat estudyanteng palabas at nagbabakasakali na may bumili ngunit wala parin. Napahinto ako sa paglalakad at nagmasid kay Lola, na-curious ako kung mayroon bang mabait na nilalang ang bibili sa paninda niya ngunit sa limang minuto kong pagmamasaid ay sa huli, si manong guard lang ang nakatapat niya.

Dahil sa pinapa-alis na si Lola sa harapan ng eskwela ay naisipan niyang magpunta na lang sa katapat nito na isang donut store. Saglit siyang nagtagal doon at dahil natagalan siya ay inakala kong marahil ay may bumili na kahit isa man lang sa tatlong bitbit niyang alkansya pero nalungkot ako nang makitang hindi man lang nito mabuksan ang pinto ng store dahil tatlo parin ang dala niyang paninda, walang labis at walang kulang.

Sumunod siyang nagpunta sa isang computer shop at hindi na ako nag-expect pa. Siyempre, computer shop iyon na punong-puno ng mga kalalakihang tambay at pawang naglalaro ng DOTA na sinamahan pa ng iba pang estudyanteng busy sa mga requirements nila. Siguradong walang papansin sa kaniya doon.

Kaya naman hindi ko na hinintay pa ang kahihinatnan ni Lola, nagtuloy ako sa pupuntahan ko. Tumambay ako sa store malapit sa aming boarding house at bumili ng isang tinapay at softdrinks. Tinignan ko ang laman ng aking wallet, 220 pesos. Kahit gaano ko pa kagustong bumili ng alkansya ni Lola para makatulong sana ay hindi ko magawa dahil kailangan ko ring maawa sa Mama ko na halos kumapit na sa patalim makahanap lang ng mababaon namin.

Matatapos na ako sa kinakain ko nang muli kong makita si Lola, as expected ay wala paring bumili ng paninda niya. Nang makita niya ako ay agad niya akong nilapitan at muling inalok sa akin ang kaniyang paninda. Masakit man sa kalooban ay muli ko siyang tinanggihan. Pumasok si Lola sa loob ng store at inalok din si Manang na nagtitinda. Akala ko ay tatanggi rin si Manang ngunit bigla niyang tinanong kung magkano ang alkansya ni Lola. Napangiti ako dahil sa wakas ay may tao na ring nagka-interes sa tinda ni Lola.

Sa una ay nakipag-tawaran pa si Manang dahil may kamahalan din ang alkansya pero sa huli, kung ano ang dating presyo ng alkansya ay iyon din ang ibinayad niya. At least I was relieved nang makitang dalawa na lang ang buhat-buhat ni Lola na alkansya. Hindi man ako nakatulong sa kaniya, at least natulungan ko ang taong bumili ng alkansya ni Lola sa pamamagitan ng pagbili ko ng paninda ni Manang. Medyo mababaw man pero may point naman diba? Kaya masaya ako na in a certain way ay may mga tao paring may magandang kalooban na siyang nakakatulong sa mga nangangailangan.

Sa edad ni Lola ay hindi na dapat siya nagtatrabaho, ang dapat sa kaniya ay magpahinga na at ine-enjoy ang natitirang buhay niya na bigay ng Diyos ngunit dahil sa kahirapan ay kinakailangan pa niyang magkayod-kalabaw upang may makain lang.

Madali lang magreklamo kung hindi mo gusto ang pagkain, madali lang ang magreklamo kung sawa ka na sa trabaho mo, madali lang ang magreklamo kapag kulang ang allowance mo, madali lang ang magreklamo kapag hindi ka pinayagang maglakwatsa pero dapat nating isipin na ang bawat reklamo nating ito, sa ibang tao ay ito na ang mga matagal na nilang hinahangad para sa kanilang buhay. Pagkain, maayos na trabaho, pera at ang oras para sa kanilang sarili ngunit dahil hirap silang makuha ang mga ito ay wala silang karapatang magreklamo.

Kaya naman sa mga biniyayaan ng kaunting karangyaan, imbis na magreklamo tayo dahil kulang ay dapat magpasalamat pa tayo dahil mayroon tayo nito dahil hindi lahat ng tao ay tinatamasa ang kung anong meron man tayo ngayon.

Sunday, April 21, 2013

Kabataang Bayani

“Ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.”

Ang mga ngiti ng kabataan mula sa isang hindi malilimutang karanasan.



Palagi nating naririnig ang mga katagang ito na siyang binitawan ni Dr. Jose Rizal, naniniwala siya na ang mga kabataan ang magiging instrumento para sa pag-unlad ng ating bayan. Sila ang pag-asa, ang magwawaksi sa problema ng Pilipinas.


Pero marami sa atin ang nagtataas ng kilay kapag naririnig nila ang mga katagang ito. May nagawa na ba talaga ang mga kabataan para sa pag-unlad ng ating bayan? Sila ba talaga ang pag-asa na matagal na nating inaasahan? May naniniwala pa ba sa sinabi ni Rizal gayong ang mga kriminal ngayon ay pabata na ng pabata. Mga drug addict at drug pushers, mga magnanakaw, killer, rapist, sila ba ang magliligtas sa naghihingalong Pilipinas?

Ang sagot: HINDI, dahil hindi lang sila ang kabataan dito sa Pilipinas. Marami sa mga kabataan ngayon, hindi man napapansin ng karamihan ay handang tumulong para sa pagbabago ng ating inang bayan.

Halos isang buwan na ang nakakalipas simula nang mapasali ako sa isang gawain. Isang hamon para sa katulad kong teenager. Dahil bakasyon at walang magawa at dahil na rin sa tulong ng isa kong kaibigan ay napasali ako sa isang challenge, ang Bayani Challenge 2013.

Noong una ay wala akong balak seryosohin ang gawaing ito, napasali lang talaga ako dahil sa pagkaburyo ko sa bahay ngunit nang makita ko ang tunay na layunin ng activity na ito ay namangha ako. Hindi ko inakala na ang mga kabataan na katulad ko ay nagboboluntaryo para maglinis, magpintura, magtanim, magpatayo ng footbridge at stage, magpasaya ng mga bata at ialay ang kanilang oras sa pagtulong.

Sa mga oras na iyon, dahil bakasyon, ang dapat na ginagawa ng mga kabataan ay ang magbabad sa kompyuter, mamasyal, maglakwatsa kasama ang mga kaibigan, manood ng TV, magbasa ng libro, matulog sa isang malamig na kuwarto at kung ano pang tipikal na dapat ginagawa ng isang teenager kapag walang pasok.

Ang diwa ng bayanihan, tulong-tulong sa pagpasa ng mga bricks para sa GK Site.

Ngunit taliwas ang natunghayan ko sa Bayani Challenge dahil ang mga kabataan, sa gitna ng tirik na tirik na araw ay tulong-tulong sila sa pagpapatayo ng footbridge, tulong-tulong sa pag-ayos ng paaralan, tulong-tulong sa paglilinis sa tabing-dagat, tulong-tulong sa pagpipintura, pagla-landscape, pagtatanim, pag-aayos ng daluyan ng ilog at marami pa. Ang mas nakakamangha pa sa natunghyan kong ito ay matapos ang isang nakakapagod na araw ay wala kang makikitang ni katiting na pagsisisi sa kanilang mga mukha. Pagkatapos ng araw, isang matamis na ngiti ang makukuha mo mula sa kanila.

Pag-aayos sa pathway, reding-ready na sila!

Sa ikalawang araw ng activity ay opisyal na akong sumali sa Bayani Challenge. Napasama ako sa grupo na na-assign na magpunta sa isang paaralan. Doon ay nag-landscaping kami, nag-general cleaning at nagpintura ng dingding ng paaralan. Nakakatuwang isipin na sa gitna ng nararamdamang pagod ng aking mga kasamahan ay nagagawa pa nilang pawiin ang kanilang pagod sa pamamagitan ng paglalaro ng basketball, pakikipag-kulitan sa mga kasama at pagsayaw ng unity dance.

Wall painting sa isang eskwelahan.

Sa kanila ko nakita ang pagkukusa, na kahit may kaunting hindi pagkakaunawaan man ang ilan sa kanila ay nagawa at natapos parin nila ng tama ang kanilang gawain dahil para sa kanila, hindi dapat pinapairal ang pride. Sa pagtulong, hindi pride ang kailangan kundi teamwork. Sa kanila ko napatunayan na kapag tulong-tulong at sama-sama ay madaling malulutas ang problema.

Sa Bayani Challenge, natutunan ko ang makisama, maki-isa, makipagkapwa-tao, tumulong ng kusa, manalig sa Panginoon at higit sa lahat, ang magsaya. Hindi lang naman sa computer, TV, libro, cellphone at laptop makikita ang kasiyahan ng isang tao. Mahahanap din ito sa pagtulong, pagtulong na taos sa puso kasama ang iyong mga bagong kakilala, bagong kaibigan, bagong kasangga, bagong kakampi.

Landscaping naman ang ginawa ng ilan.

Hindi mo naman talaga kailangang magkaroon ng super powers, maging matalino, mayaman, sikat o maging pangulo para tumulong sa bayan. Basta ang mahalaga ay ang pagkukusa, ordinaryo ka mang tao, bata o matanda ay may magagawa ka upang baguhin ang ating bayan.

Ang Bayani Challenge ang naging inspirasyon ko upang patunayan sa mga tao na tama nga ang tinuran ni Rizal, na ang mga kabataan ang natatanging pag-asa ng bayan. Kami, sila, tayo mismo ang mga kabataan na tinutukoy ni Rizal, tayo ang tunay na pag-asa ng ating bayan.

Ikaw, may magagawa ka rin. Hindi hadlang ang kahirapan, hindi hadlang ang edad, hindi hadlang ang estado o katayuan natin sa lipunang ito para tumulong dahil lahat tayo ay may magagawa. Ang kailangan lang natin ay pagkukusa. Kung hindi tayo, sino pa? Kung hindi ngayon, kailan pa tayo magsisimulang ibangon ang lugmok nating bayan? Kapag tayo ay magtutulong-tulong, hindi imposibleng ang kahirapan ay maalis na sa listahan ng mga problemang kasalukuyang kinakaharap ng ating inang bayan.

Matapos ang limang araw na pagkakawang-gawa, isang masayang paliligo mula sa isang fire truck ang naging pagtatapos ng aming Bayani Challenge.



(Some photos were taken from Zyrah)