|
Si Dan Brown, ang sumulat ng Da Vinci Code at Angels & Demons. |
Ilang
ulit na ba nating inihalintulad ang Pilipinas sa “impyerno”? Tuwing mainit ang
panahon, tuwing may dinaranas tayong problema at hirap tayong lutasin ito,
tuwing hirap sa buhay at walang masandalan, tuwing inaakala mong ang lahat ng
tao na nasa paligid mo’y masama ang trato sa iyo?
Palagi nating
naririnig sa TV o nababasa sa mga libro ang mga katagang “Ayoko nang bumlik sa
impyernong lugar na ’yon” “Gusto ko nang umalis sa impyerong bahay na ‘to” at
ang palaging sinasabi ng ilan, “Ang init naman dito sa Pilipinas, daig pa ang
impyerno!”
Pero ano nga ba ang ibig
sabihin ng impyerno? Para sa akin, ang unang pumapaasok sa isip ko kapag
binabanggit ang salitang impyerno ay: mainit, magulo, mahirap, lugar ng
masasama, madilim… Ganito inilarawan ng sikat na manunulat na si Dan Brown ang
Maynila sa pinaka-bago niyang nobela, ang Inferno.
Issue ngayon para sa mga Pinoy ang librong ito, lalo na sa mga Manileno.
Sabihan ba namang madumi, mabaho, puno ng prostitusyon at isa sa pinaka-mahirap na
lugar ang Manila? Ayon kay Brown, "Manila is the gates of hell". Sa sobrang sensitive ng mga Pinoy, sigurado akong
hinding-hindi nila ito palalampasin.
|
Ang ika-apat na Langdon book ni Dan Brown, ang Inferno. |
Mahirap magsalita lalo
na kapag hindi mo pa nababasa ang libro niya, katatapos ko lang kasing basahin
ang The Lost Symbol ni Dan Brown kaya
pahinga muna ako sa kaniya. Gayunpaman, nagbigay parin ng iba’t-ibang opinyon
ang mga Pilipino ukol sa nasabing libro. Marami ang nagalit (of course), marami
ang na-insulto at marami rin naman ang umunawa sa batikang manunulat.
Kung iisipin natin, medyo tama naman si Dan
Brown sa pagsasalarawan niya ng Maynila. Madumi, mabaho, mahirap, baha at
magulo, oo’t nakaka-insulto pero totoo naman hindi ba? Kung napanood ninyo ang
The Bourne Legacy kung saan dito sa Pilipinas kinunan ang ilang scenes sa movie, mapapa-iling ka na lang sa hitsura ng Manila sa pelikula. Traffic,
nagkalat na basura sa daan, mga tambay, hindi ka maniniwalang ang 'dirty' side ng Manila na siyang kabisera ng
ating bansa ay ipinakita worldwide.
|
Scene mula sa The Bourne Legacy movie. |
Masasabi kong medyo
tama si Dan Brown dahil totoo ang tinuran niya ngunit sa kabila no’n, kung may
negatibo ay mayroon din namang side na positibo ang Manila. Marami ring maipagmamalaki ang Maynila, ang Intramuros, Binondo at iba't-ibang mga museum. Ilang beses pa lang akong naka-punta ng Maynila
pero masasabing kong marami ring good side ang Manila ngunit sa kasamaang
palad, hindi ito ang kailangan ni Dan Brown para sa fictional story niya kundi
ang bad side ng Maynila upang umayon ito sa kwento ng libro niya.
Sa totoo lang hindi naman si Dan Brown ang pinaka-unang nagkomento ng masama hindi lang ukol Manila kundi pati na sa Pilipinas, marami na sila.
Sinu-sino ba sila? Let’s take a recap:
- Hinding-hindi natin makakalimutan si Jimmy Sieczka at ang video nitong '20 Reasons Why I Dislike the Philippines'.
- Si Alec Baldwin nang pabiro nitong sabihin na gusto pa niyang magkaroon ng mas maraming anak at balak niyang umorder ng Filipina mail-order bride.
- Si Howard Stern nang sinabi nitong sa Pilipinas, inilalako ng mga tatay ang anak nilang babae para sa sex.
- Ang tumawag sa Manila bilang "weird city" si Claire Danes. Ayon sa kaniya, smelly at maraming cockroaches at rats sa Manila.
Reality hurts ika nga
nila, nagsasabi lang sila ng totoo pero sila pa ang masama. Oo, nakakahiya,
nakaka-insulto, nakakababa ito para sa ating mga Pilipino pero kung tutuusin may
basehan sila kung bakit nila ito nasabi. Masyado lang kasi tayong sensitibo
pagdating sa ibang tao na pumapansin sa atin pero hindi naman tayo ganoong
ka-sensitibo pagdating sa pangangalaga ng bansa natin. Basura dito, basura
doon, paubos na mga puno, nakakalbong bundok, maduduming sulok-sulok.
Tama naman sila, tama lang na ipangalandakan nila sa atin kung ano ang nakikita nila sa
Pilipinas. Tayong mga Pinoy imbis na gumawa ng paraan para sa ikabubuti ng ating bansa, ginagawa
natin itong big deal na para bang tayo ang na-agrabyado. Sa halip na ayusin
natin ang mali, bakit mas inuuna pa natin ang pagti-tweet upang depensahan ang
Pilipinas? Kahit naman awayin natin sila o mag-sorry pa sila, wala paring magbabago, iyon na ang
naging impresyon nila sa atin. Saka lang nating mapapatunayan na mali sila
kapag iniba na natin ang hitsura ng Pilipinas.
Kung Palawan lang sana
ang nakita ni Dan Brown marahil pwede niya itong ihalintulad sa isang paraiso,
kung sa Cebu, sa Vigan, sa Baguio edi sana mas maganda ang description niya ng
Pilipinas kaso Manila ang nakita niya kaya wala tayong magagawa. Hindi ko
namang sinasabi na madumi, magulo,
mabaho talaga ang Maynila, hindi ko naman nilalahat ngunit aminin natin, may
parte talaga sa Manila ang mabaho, madumi, magulo.
Lagi nating isipin,
hindi porket malinis na ang mukha mo ay pababayaan mo na lang ang ibang parte
ng katawan mo. Parang Pilipinas din ‘yan, kung gaano sana kaganda ang ilang
lugar ng ating bansa, sana’y ganoon din ang gawin nila sa pangkalahatan lalo na sa parte kung saan mas nakikita tayo ng ibang tao mula sa ibang bansa.
Patunayan natin sa buong mundo na ang Pilipinas ay hindi pinto ng impyerno kundi ang lagusan papuntang langit.
(photos from: rodolfogrimaldi.com, missosology.info, amadeusphotography.com)